Ni Vivian R. Bautista
NAG-ORGANISA ng dalawang (2) araw na pagsasanay ang pamunuan ng Palawan Council for Sustainable Development and Staff (PCSDS) na ginanap sa mga bayan ng Cuyo at Magsaysay nitong ika-22 hanggang ika-23 ng Mayo, taong kasalukuyan.
Naisagawa ang nasabing pagsasanay sa pakikipagtulungan ng ECAN Education and Extension Division (EEED) ng PCSDS at District Management Division (DMD) – Calamian sa pangunguna nina G. Richard Rebote, Ms. Gisela CaΓ±oza, at Ms. Edilita Demonguitan.
Nakapaloob sa isinagawang Information, Education, and Communication (IEC) activities ang mga talakayan patungkol sa mga batas at patakarang na nauugnay sa PCSD.
Ang nasabing pagsasanay ay dinaluhan ng mga piling presidente ng mga purok, miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation, at mga miyembro ng barangay at municipal council kasama ang ilang piling mga residente.
Tinalakay sa nasabing aktibidad ang patungkol sa Republic Act 7611, na kilala rin bilang Strategic Environmental Plan (SEP) para sa Palawan Act; Republic Act 9147 o “Wildlife Resources Conservation and Protection Act,”; Republic Act 9175, o ang “Chain Saw Act of 2002”; Climate Change Act of 2009; at oryentasyon hinggil sa Gender and Development (GAD) ng mga konektadong ahensya.
Sabay-sabay na ginanap ang mga aktibidad ng IEC sa Barangay Danawan, Magsaysay nitong ika-22 ng Mayo, at sa Barangay Lagaoriao, Cuyo naman nitong Mayo 23.
Para mapasaayos ang mga serbisyo ng pagsasanay, edukasyon at extension ng PCSD, namahagi rin ang PCSDS EEED ng mga tala-tanungan sa Training Needs Assessment (TNA) ng mga kalahok.
Samantala, ang hakbang na ito ay naglalayong tukuyin ang mga partikular na pangangailangan at mga kinakailangan sa pag-unlad ng mga kalahok.