PHOTO//AMY ROA ALVAREZ FACEBOOK PAGE

Ni Vivian R. Bautista

DUMALO si San Vicente Mayor Amy Roa Alvarez sa isinagawang Championship at opisyal na pagtatapos ng SPS (Serbisyo Progreso Sambayan) Summer Beach Volleyball Tournament na ginanap sa Ursula Beach ngayong araw ng Miyerkules ika-17 ng Mayo, ngayong taon.

Sa Facebook post, sinabi ng San Vicente Mayor na itong kauna-unahang SPS Summer Beach Volleyball Tournament ay nilahukan ng mga manlalarong nagmula pa sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan.

Sa kaganapan, taus-pusong binabati ng Mayor ang mga nagwagi sa nasabing larangan at gayundin din ang pagkilala sa sportsmanship at dedikasyon ng mga manlalaro na nagpamalas ng kanilang galing sa naturang larangan ng sports.

Pinasalamatan din niya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni Governor V. Dennis M. Socrates at pati na rin ang mga nasa likod ng naturang palakasan.

Hindi rin ito ang magiging kauna-unahan o huling beach volleyball tournament sa bayan ng San Vicente. Sisikapin ng nasabing alkalde na mas maging malawak at malaki ang mga susunod pang aktibidad sa mga susunod na taon.

Aniya, sa ganda at lawak ng mga baybayin ng nasabing bayan ay magagawa nilang iangat ang ganitong klase ng palakasan kasabay ng pag-angat ng turismo ng San Vicente.

Author