PHOTO || REPETEK NEWS TEAM

NAGBABALA sa publiko ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA kaugnay sa mga pekeng National Certificates (NCs) na ibinebenta online.

Sa ginanap na Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA) nitong araw ng Miyerkules binigyang diin ni TESDA- Palawan Provincial Director Vivian Abueva na hindi ipinagbibili ang mga NCs.

Aniya, ang tanggapan lamang ng TESDA ang nagkakaloob ng sertipikasyong ito sa mga kwalipikadong indibidwal na dumaan sa national competency assessment.

“Pag sinabing national certificate, nag-undergo po ito ng national competency assessment doon sa mga accredited assessment centers natin and being conducted by accredited competency assessors.

They really underwent doon sa proseso na NC ll holder and they qualify to become assessors. Hindi po si TESDA ang nakaconduct doon, ito yung mga nasa area talaga– accredited competency assessors in their specialized fields ang tawag natin,” paliwanag nito.

Dagdag pa ng opisyal para matukoy kung totoo ang inisyung national certificate maaaring magtungo sa kanilang website (www.tesda.gov.ph) at punan lamang ang mga hinihinging impormasyon.

“We have that sa website namin, i-click niyo lang ang verification, i-encode ang mga data na ibinigay sa inyo. Halimbawa kung NC ll holder, meron siyang national certificate, you want to verify kung talagang totoo ito. Punta lang kayo sa website, lahat ng hinihingi na data doon sa website halimbawa anong pangalan nito, i-encode niyo doon, kailan yan, anong qualification, anong course, i-feed niyo lang doon pag hindi lumabas yan –peke yan,” binigyang diin ni Abueva.

Ang national certificate ay inirerequire ng isang employer lokal man o nasyunal bilang patunay na ang nag-aaplay na indibidwal ay may kakayahan sa pinasok na partikular na trabaho.

Ang NC ay may bisa sa loob ng limang taon.