ISINAGAWA nitong ika-18 ng Hulyo taong kasalukuyan ang 1st Dalara Aircrash Response Tabletop Exercise na layon ay magkaroon ng kaalaman ang bawat response cluster sa ilalim ng Emergency Operations Center (EOC) ukol sa mga hakbangin na nararapat gawin sa bawat operasyon sa pamamagitan ng Incident Management Team (IMT) na nangangailangan umano ng maayos na report system at protocols.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pangunguna ni PDRRM Officer Jeremias Y. Alili na ginanap sa Commamnd Center ng PDRRMO Headquarters sa Barangay Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa na bahagi umano ng National Disaster Resilience Month Celebration.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan umano ang pagkalat ng mga maling impormasyon at datos sa anumang sitwasyon na maaaring kaharapin.
Pakay din ng nasabing aktibidad na mas mapaigting pa ang kaalaman ng bawat response cluster upang masiguro na tamang mga responders na may sapat na kasanayan ang maipapadala sa bawat pangyayari na posibleng maganap nang sa ganun ay magkaroon ng maayos na sistema sa pagbibigay ng medical treatment, first aid, logistical needs, proper management of the dead, crowd control at crash investigation.
Ang Mt. Dalara na matatagpuan sa Barangay VI sa bayan ng Coron ang napiling lugar ng PDRRMO na maging sentro ng pagsasanay at paghahanda na kanilang isasagawa.
Kabilang sa mga pagsasanay na kakaharapin ng mga responders ay gaya ng posibleng insidente ng aircrash sa kabundukan na kung saan ay mahirap tahakin ang daan, pagkakaroon ng matinding injury ng mga pasaherong kanilang maililigtas, pagsiklab ng apoy mula sa mga debris at ang pagkakaroon ng leak ng gasolina mula sa eroplano na maaaring maging dahilan ng pagsabog nito.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng PDRRMO katuwang ang bumubuo ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) kung saan nagsilbi namang main participants ang mga representante mula sa iba’t ibang ahensya gaya ng LGU Coron, LGU Busuanga, Bureau of Fire Protection (BFP) Palawan, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Airline Companies, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Palawan Rescue.
Nakiisa rin dito ang mga kinatawan mula Provincial Health Office (PHO), Naval Forces West, Tactical Operations Wing West, Western Command at Palawan Provincial Police Office habang nagsilbi naman bilang evaluators ang mga representante mula sa Office of the Civil Defense MIMAROPA, JTF ICARE, PHO, BFP, DILG, PAL PPO, PSWDO at PDRRMO, batay sa ulat ng Tanggapan ng Impormasyon ng Kapitolyo.