PHOTO || MUNICIPAL GOVERNMENT OF TAYTAY - PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

TATLONG mga Barangay sa bayan ng Taytay, Palawan na kinabibilangan ng Barangay Bantulan, Silangan at Alacalian ang benepisyaryo ng proyektong Off-Grid Minigrid Solar Power, ito ay matapos na makipagpulong kamakailan ni Taytay Mayor Christian V. Rodriguez kay Governor V. Dennis M. Socrates at sa mga kinatawan ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE), at investor Archipelago Renewables Corporation.

Ang nasabing pulong na pinamagatang โ€œEnergizing Communities, Transforming 30,000 Lives,โ€ ay nagmarka ng collaborative effort sa pagitan ng DOE, ERC Archipelago Renewables Corporation, at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni Gob. Socrates.

Ayon sa Facebook post ng Municipal Government ng Taytay, aktibo umano silang nakilahok sa proyektong ito sa pamumuno ni Mayor Rodriguez na layon ay mabigyan ng prayoridad ang nasabing proyekto upang magkaroon ng positibong pagbabago sa buhay ng mga Taytayanos sa pakikipagtulungan sa mga ka-partner na ahensya at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Ang Taytay ay isa sa pitong (7) natukoy na munisipalidad na nakatakdang makinabang sa naturang inisyatiba kung masusunod ang lahat ayon sa plano sa loob ng 7 hanggang 9 na buwan dahil sa pamamagitan ng Off-Grid Minigrid Solar Power Project, mapapasigla na nito ang tatlong nasabing mga barangay.

Samantala, nagpaabot naman ng kanilang pasasalamat ang Lokal na Pamahalaan ng Taytay sa mga ka-partner na ahensya pati narin kay Gob. Socrates para sa kahanga-hangang proyektong ito sa pagpapaunlad.