PUERTO PRINCESA CITY – Ayon sa Palawan Provincial Tourism Office (PPTO), mas tumaas ang bilang ng mga turistang bumisita sa lalawigan ng Palawan nitong taong 2023.
Batay sa datos ng TourLISTA application nitong ika-10 ng Enero 2024, humigit-kumulang 88% na pagtaas ang naitala mula sa kanilang 2023 data kung ikukumpara sa mga naitalang dami noong mga nagdaang taon.
Nakapagtala umano ang TourLISTA ng aabot sa bilang na 1,527,159 na dami ng mga turistang bumisita sa Palawan kaya’t masasabi umanong nakabangon na ang turismo ng lalawigan mula sa pandemya na dulot ng COVID-19.
“We will continue to aggressively aim to surpass our 2023 arrivals as we continue to develop and diversify our product offerings considering creative and cultural immersion trips, nature and adventure and focus on sustainable and responsible travel”, ani Provincial Tourism Officer Maribel C. Buñi sa kanyang pahayag.
“We will sustain capacity building programs to strengthen capabilities of our service providers and local communities so we can all provide quality services and create memorable experiences for tourists”, dagdag pa ng opisyal.
Dahil sa iba’t ibang nagagandahang destinasyon sa lalawigan, hinihimok din ni Buñi ang kanilang mga ka-partner na ipakita ang iba pang tampok na lokasyon na maaaring bisitahin ng mga turista sa lalawigan nang sa ganun ay mas lumago at umunlad ang ekonomiya ng lalawigan.