PUERTO PRINCESA CITY – Sampung (10) mga bagong Doktor na iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan ang nakatakdang manilbihan sa mga Pampublikong Ospital ng Palawan matapos na pumasa ang mga ito sa isinagawang Physician Licensure Examination nitong buwan ng Abril 2024.
Ang 10 mga bagong doktor ay kinilalang sina Dr. Jezonachin D. Andoy at Dr. Vincent Remy B. Canales ng Narra; Dr. Christian Mae B. Baldonado at Dr. Vincent Mea M. Cabanillas ng Dumaran; Dr. Carla Christine J. Casicas ng El Nido; Dr. Mielyn J. Padul at Dr. Donica Patricia G. Salvino ng Roxas; Dr. Anghelika Q. Seratubias ng Taytay; Dr. Brittany Darla E. Dumlao at Dr. Aizie T. Valdez ng lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa PIO-Palawan, maliban sa scholarship grant na ipinagkaloob sa mga nakapasang iskolar, nakakuha din umano ng Review Assistance mula sa programa na nagkakahalaga ng tig P70,000.00 na ginamit para sa kanilang bayarin sa review at pagkuha ng nabanggit na eksaminasyon, ayon kay SPS Alay sa Kabataan Program Manager Maria Victoria B. Baaco.
Sa pamamagitan ng nabanggit na scholarship program, hangad ni Gob. V. Dennis M. Socrates na lalo pang mapapalakas hindi lamang ang sektor ng edukasyon kundi pati na rin ang sektor ng kalusugan sa lalawigan dahil sa patuloy na pagkakaroon ng karagdagang medical professionals na maglilingkod sa Palawan.
Ang mga nasabing iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan ay kabilang sa 12th batch ng medical scholars na tinulungan sa pamamagitan ng SPS Alay sa Kabataan- Programang Pang-Edukasyon para sa Palaweño na layunin ay makapagbigay ng tulong sa mga karapat-dapat na mga estudyante na nais kumuha ng kurong medisina at iba pang medical-related courses.
Layon din nito na na mapalakas ang sektor ng kalusugan sa lalawigan.
Samantala, sa ngayon ay may kabuuan ng walumpu’t lima (85) na medical scholars ang Pamahalaang Panlalawigan na matagumpay na nakapasa sa nabanggit na eksaminasyon at ganap nang mga doktor kung saan karamihan sa mga ito ay kasalukuyan nang naglilingkod sa iba’t ibang mga ospital na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga munisipyo ng Palawan bilang pagbabalik serbisyo na ang haba ng taon ng kanilang paglilingkod ay katumbas ng bilang ng taon nang pagbabayad ng kanilang matrikula. Ito ay batay sa kanilang nilagdaang kasunduan bilang mga iskolar na itinalaga ng Pamahalaang Panlalawigan.