Ni Ven Marck Botin
NAGTAPOS ang nasa isandaan at labindalawang (112) mga mag-aaral ng Alternative Learning System o ALS sa bayan ng Brooke’s Point, Palawan, nitong araw ng Huwebes, ika-17 ng Agosto 2023.
Sa ulat ng Public Information Office ng nabanggit na bayan, walumpu’t dalawang (82) mga mag-aaral ang nagtapos ng Junior High School habang tatlumpung (30) mga mag-aaral naman ang nagtapos sa antas ng elementarya sa Brooke’s Point Central School.
“Masayang binati ni Mayor [Cesario] Benedito ang mga nagsipagtapos at siya ay natutuwa na makitang nagpapatuloy ang mga mamamayan ng Brooke’s Point sa kanilang pangarap na makatapos ng pag-aaral kahit na ano pa ang sitwasyon ng buhay at edad dahil mahalagang sangkap ng edukasyon para sa magandang bukas,” pagbabahagi ng tanggapan.
Sa kabilang dako, nagkamit naman ng karangalan bilang Best in Portfolio, Reading, Writing, at Best in Interview sa antas ng elementarya sina Romulo A. Gales, Jr. at Dreselyn L. Bales.
Habang sina Joselyn D. Nisnisan, Roi Oliver J. Mercader, Mary Queen L. Vicente, Stephanie C. Delgado, Nalie A. Arsola, Jonelyn R. Bados, Rowena D. Besa, Judith E. Boholist, Rosalyn V. Danico, Abegail O. Ducao, Rea T. Marodje, Aima M. Nalin, Aileen O. Poras, Edgardo S. Revillo Jr., Ronica O. Seniman, at Rina P. Sumali ay pinarangalan din sa Junior High School.