APRUBADO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigit 12.7 bilyong pisong pinansiyal na tulong para sa mga maliliit na Pilipinong Rice Farmers nitong nalakipas na Huwebes, ika-28 ng Setyembre 2023, ayon sa Presidential Communications Office.
Kinumpirma rin ng tanggapan na agarang iniutos ng pangulo ang mabilisang pamamahagi ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) para matugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka na maiangat ang antas produksiyon sa kabila ng mga balakid sa sektor ng agrikultura.
“[This would] help them cope with the increasing cost of production and sustain their productivity even in the face of challenges like the coming El Niño [phenomenon],” pahayag ng pangulo.
Sa ilalim ng RFFA, natukoy ang mahigit 2.3 milyong benepisyaryong magsasaka ng palay ang nakapagrehistro sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA nitong nakalipas na Hunyo 2023.
Sinabi rin ng ahensya na ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng halagang limanlibong piso (Php5,000.00) bilang cash grant na manggagaling sa ‘excess tariff collection’ mula sa importasyon ng bigas noong taong 2022.
Kinumpirma rin ng PCO na kasama sa mabibigyan ng cash grant ang mga nasa kooperatiba, mga samahan gaya ng irrigators’ associations, agrarian reform beneficiaries organizations o ARBOs, small water impounding systems associations o SWISAs, at iba pang mga farm groups sa bansa.
“The RFFA is an unconditional financial assistance for farmers tilling below two hectares of land as mandated under Republic Act (RA) No. 11598, or the Cash Assistance to Filipino Farmers Act of 2021,” pag-uulat ng PCO.
Programang Palayamanan Plus
Ayon pa sa tanggapan, inaprubahan din umano ng pangulo ang paggamit ng 700 milyong pisong pondo mula sa excess tariff collections para sa pagsasakatuparan ng programang “Palayamanan Plus” sa ilalim ng Household Crop Diversification Program.
“It aims to ensure RSBSA-registered farmers, who are also listed in the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) of the Department of Social Welfare and Development (DSWD), “will enjoy food, nutrition, and income security,” dagdag ng tanggapan.
Anila, nasa 78,000 benepisyaryo naman ang inaasahang makatatanggap ng Palayamanan Plus conditional cash transfer na nagkakahalaga ng sampunlibong piso (Php10,000.00) bawat isa.
Ang pagsasakatuparan ng dalawang (2) financial assistance packages ay naglalayong makatulong sa pag-angat ng Masagana Rice Industry Development Programs o MRIDP na isinusulong ng gobyerno.
“Bilang inyong Pangulo at Kalihim ng Agrikultura, patuloy po tayong gumagawa ng mga konkretong solusyon upang matugunan ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura,” saad ni Pang. Marcos Jr.
“Kaya naman, ang hamon ko sa inyo, mga kapwa Pilipino: Magtulungan po tayo upang maisaayos ang ating agrikultura at maisakatuparan ang pangarap natin ng ‘Bagong Pilipinas’ – kung saan matatag, maginhawa at panatag ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag ng Pangulo.