PUERTO PRINCESA CITY—Sa kabila ng sama ng panahon, matagumpay na nasaklolohan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang labindalawang (12) mangingisda mula sa palutang-lutang na bangka sa karagatan ng Cabuli Island sa bayan ng El Nido, Palawan.
Ayon sa ulat ng ahensiya, nakaranas ng aberya sa makina ang fishing boat na FB BART-2 kaya palutang-lutang sa nasabing karagatan ang bangka hanggang sa marating ang posisyon na 64.7 nautical miles mula sa hilagang-kanlurang bahagi ng isla ng Cabuli.
Agad namang ikinasa ng Coast Guard District Palawan ang pagsagip sa mga sakay ng bangka nitong Pebrero 6. Matagumpay ring narekober ang FB BART-2 nitong Pebrero 7.
Ligtas naman ang 12 na sakay ng bangka na walang anumang naitalang sugatan. Nagkaloob naman ang PCG ng medical assistance, mga suplay, at kalauna’y hinila ang barko patungo sa ligtas na lugar.