PALAWAN, Philippines — MAYROONG bagong awardee ng Bagwis award ang Department of Trade and Industry (DTI) sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa ibinahaging listahan ng tanggapan, ito ay labintatlo (13) na pawang mga Specialty Store, Giga Matrix Store, Crypto Pixels Center, Electronico Oppo Concept Center, E Three Tech & Satellites Services, Frontend Cellphone and Accessories Shop, GET Technologies, Geterprise Gadgets and Accessories Shop, GTE Gadgets Shop at Thirteenth Store.
Ayon kay DTI Provincial Director Hazel DP. Salvador, ang parangal na ito ay binuo ng gobyerno para parangalan ang mga business establishments na nagtataguyod ng karapatan ng mga konsyumers.
“Nagpapatunay na itong mga establishments natin, para sa kaalaman ng lahat, na sila po ay tumatangkilik o kinikilala nila yung mga karapatan ng mga konsyumers. Ibigsabihin anytime na may tanong ,may mga concerns itong ating mga konsyumers, pwede po silang lapitan. Hindi matatakot ang ating mga consumers [na ilapit ang kanilang concerns may kinalaman sa produkto o serbisyo],” ani Salvador.
Ang mga ito ay nakakuha ng kategoryang Bronze, na nangangahulugan ito ay sumusunod sa mga Fair Trade Laws at mayroong mga Consumer Welfare Desk (CWD) o Customer Service Counter.
Ang DTI Bagwis Program ay kilala bilang DTI-Certified Business Establishment Program na inilunsad noong Hulyo 26, 2006.
Saklaw nito ang lahat ng Supermarkets, Department o Specialty Stores, Hardware Stores, Appliances Centers at DTI-Accredited Services and Repair Shops.
Ang Bagwis Award ay mayroong tatlong kategorya; Gold, Silver at Bronze.
Sa kabuuan, mahigit limampung (50) iba’t ibang establisyimento sa siyudad ang nakatanggap na ng Bagwis Award simula ng ito ay simulan ng DTI.