Ni Clea Faye G. Cahayag
NGAYONG taong 2023, simula Enero 1 hanggang Hulyo 25, ang lungsod ng Puerto Princesa ay nakapagtala ng kabuuang 1,520 kaso ng dengue, batay sa datos ng City Epidemiology and Surveillance Unit.
Sa nasabing bilang 1,507 o katumbas ng 99.14% ang gumaling at 13 o 0.86% naman ang nasawi.
Ayon kay Dr. Ralph Marco Flores, Medical Officer lll ng City Health Office (CHO) kung mapapansin ang datos na ito ay mataas dahil mas pinaigting ng kanilang tanggapan ang kampanya laban sa dengue.
Dagdag pa rito ang makabagong test para sa dengue kung saan isa hanggang dalawang araw ay maaari ng malaman kung ang isang indibidwal ay positibo sa dengue.
“Sa lungsod ng Puerto Princesa, nakapagtala po tayo ng mga bagong kaso 200 within the last month pero ang maganda po [roon] since January up to this time 99.14 percent ay gumaling naman… kung papansinin natin parang mukhang mataas [ang kaso na ito] pero dahil po ‘yun sa City Health Office medyo nagsipag po tayo [sa ating kampanya] kasi alam po natin dito sa Puerto Princesa [mayroon] po tayong mga lamok na nagdudulot ng dengue at malaria kaya isa po ‘yun sa pinagtutuunan ng pansin ng CHO para masugpo ang [mga sakit na ito],” paliwanag nito sa programang Arampangan Ta ng City Tourism Office.
Ani Flores, ang dengue ay walang pinipiling edad, bata man o matanda ay maaaring dapuan nito kaya naman binigyang-diin nito na kung mayroong maramdamang sintomas ay agad magpakonsulta sa doktor.
Ilan lamang sa sintomas nito ang pagkakaroon ng mataas at pabalik-balik na lagnat, masakit na pangangatawan, panghihina, at hirap sa pagkain.
Binigyang-diin nito na napakahalaga na masuri ang isang tao na pinaghihinalaang may dengue dahil kung hindi ito maaagapan ay maaaring mauwi ito sa kamatayan.
Ang Puerto Princesa ay mayroong dengue fast lane na matatagpuan sa City Coliseum na nagkakaloob ng libreng check-up at testing upang malaman kung ang isang tao ay mayroong dengue.
“‘Yung komplikasyon ng dengue ang nakakamatay, so ‘yun po ang binabantayan natin. Minsan kaya siya hemorrhagic kasi kailangan po niyang salinan ng dugo at ‘yun ang binabantayan natin. ‘Pag bumaba ang platelets, manipis po masyado ang dugo, p’wede pong dumugo ang katawan ‘yun po ang binabantayan ‘yung pagdurugo ng ilong at sikmura, kulay itim na dumi – ‘yun po ang senyales na [mayroong] hemorrhagic na tinatawag. Sa loob [ng katawan] nangyayari kaya minsan ‘di napapansin ‘yun po ang dahilan kaya lumalala,” pahayag pa nito.
Kaugnay nito, nagpaalala rin ito sa publiko lalo na ngayong panahon ng tag-ulan na suyurin at itaob ang mga maaaring pamugaran ng lamok na may dalang dengue tulad ng mga gulong, vase, container at iba pa.
Ayon pa kay Flores, katuwang din ng CHO ang mga barangay health workers (BHW) sa search and destroy campaign at information dissemination para makaiwas sa dengue.
“Kaya po [dumarami] ang lamok natin kasi nga marami silang pinamumugaran ngayon. [A]ng mga tubig ulan ay naiimbak sa mga lalagyan natin kaya ‘yun po ang dapat nating bantayan dapat wala pong tubig na stagnant sa atin kasi [roon] namumuhay ang lamok,” aniya pa.
Huwag din aniyang kalilimutan na palakasin ang immune system sa pamamagitan ng pagkain ng mga matataas sa vitamin C at uminom ng maraming tubig.