PINILI ng mahigit isandaang indibidwal na dating mga komunistang rebelde ang mamuhay na lamang ng mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya matapos tuluyan nang tinalikuran ang kanilang pakikiisa sa makateroristang ideyolohiya ng New People’s Army (NPA).

Base sa impormasyon, nasa kabuuang 133 mga miyembro ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa rehiyong MIMAROPA simula Enero 2024 ang sumuko na.

Mula sa nabanggit na kabuuang bilang, sampu rito ang nakalista sa Periodic Status Report (PSR) habang ang iba naman ay kinilala bilang mga miyembro, tagasuporta, at militiamen.

Kabilang naman sa mga pinakahuling tumiwalag sa makakaliwang grupo ay sina “Ka Cente”, 60-taong gulang, “Ka Vensor”, 58-taong gulang, at ang 33-anyos na “Ka Dario” na dating mga miyembro ng dismantled KLG MAV, SRMA-4D. Sila ay sumuko sa mga tauhan ng 403rd B MC RMFB sa bayan ng Mansalay ng probinsya ng Oriental Mindoro, na kung saan kasamang isinuko ang isang granada.

Hinihikayat naman ni Police Brigadier General (PBGen) Roger L. Quesada, Regional Director, ang mga natitirang mga komunistang rebelde na magbalik-loob na sa pamahalaan.

Isang matagal nang suliranin na kinakaharap ng bansa ang insurhensiya kaya naman maituturing ng pamahalaan na ang pagsuko ng 133 miyembro at tagasuporta ng CPP-NPA-NDF ay isang malaking hakbang tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.

Samantala, mayroong programa ang pamahalaan para sa mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan, ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga dating rebelde na magbagong-buhay at maging bahagi ng mapayapang komunidad.

Author