Puerto Princesa City — Ganap nang sinimulan ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 7, ang inaabangang ‘Baragatan Inter-Local Government Unit (LGU)Basketball Tournament 2024’ na kasalukuyang ginanap sa PGP Convention Center sa kapitolyo.
Ito ay kasabay ng pagsisimula ng selebrasyon ng Baragatan Festival 2024 na may temang “Mayamang Sining at Kultura…Kakaibang mga kaugalian at Tradisyon…Tagisan ng Lakas, Talino at Talento…Natatanging Produktong Palaweño”.
Ang pagdiriwang ay kaugnay rin sa ika-122 anibersaryo na pagkakatatag ng Gobyerno Sibil ng Palawan na kung saan labinlimang (15) mga munisipyo ang nakiisa rito na magtatagisan ng kanilang galing sa paglalaro ng basketball.
Kabilang sa mga lumahok na munisipyo ay kinabibilangan ng Aborlan, Agutaya, Araceli, Brooke’s Point, Coron, Culion, Dumaran, El Nido, Narra, Quezon, Rizal, Roxas, San Vicente, Sofronio Española, at bayan ng Taytay.
Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, layunin ng aktibidad na ito na muling mapasigla at mapalakas ang mga sporting event sa lalawigan na pinangangasiwaan ng Provincial Governor’s Office–Sports Division.
Ang grupong tatanghaling kampeon ay mag-uuwi ng trophy at P100,000.00 cash prize habang ang 1st runner up naman ay tatanggap ng P80,000.00, ang 2nd runner up ay mag-uuwi ng P60, 000.00 at ang 3rd runner up ay magkakamit ng P40,000.00.
Magkakaloob din ng special awards gaya ng Season MVP, Finals MVP, Mythical 5, Best in 3 Point Shooter, Best in Muse, Best in Uniform at Best Sportsmanship.
Samantala, magkakaloob din ng tag-P20,000.00 na consolation prize para sa mga koponan mula sa LGU Island municipalities habang P15,000.00 naman na consolation prize para sa mga lumahok mula sa LGU mainland.
Para sa mga manonood mangyari lamang tingnan ang mga sumusunod na schedule ng aktibidad na ito mula June 7 hanggang ika-9 ng nasabing buwa, PGP Convention center (Eliminations); June 10 hanggang ika-12, PALECO Gymnasium (Eliminations); June 13, PALECO (Quarter Finals); June 15, PSU Gymnasium (Semi-finals); June 16 , PSU Gymnasium (Finals).