PHOTO || DSWD FIELD OFFICE MIMAROPA

Ni Vivian R. Bautista

NAGING matagumpay ang isinagawang seremonya ng pagtatapos ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ginanap sa Octagon Plaza, Barangay District 1, Brooke’s Point, Palawan nitong ika-13 ng Hulyo, 2023.

Aabot sa 155 na pamilyang benepisyaryo ng nasabing programa ang nagtapos na kung saan apatnapu’t limang (45) benepisyaryo ang mula sa Sofronio Española habang isang daan at sampu (110) naman ang nagmula sa bayan ng Brooke’s Point.

Ang nasabing kaganapan ay dinaluhan nina Brooke’s Point Mayor Cesario R. Benedicto at G. Steve Manzul bilang representante ni Sofronio Espanola Mayor Abner Rafael N. Tesorio.

Naroon din sina OIC Regional Program Coordinator Reji A. Pancho, Regional Case Management Focal Person Gerald Antonio, kabilang sina Social Welfare Officer Julie Ann Riva at Compliance Verification System Focal Eddie Canete.

Ang mga nasabing panauhin ay nagbigay ng kanilang mensahe na patuloy umano silang susuporta at magkakaloob ng mga serbisyong aftercare sa mga e-exit na sa programa nang sa ganun ay maiwasan na bumalik pa ang mga ito sa mababang antas ng kabuhayan, ayon sa Facebook post ng DSWD Field Office MIMAROPA.

Bakas sa mukha ng mga nagsipagtapos ang bagong pag-asa at tagumpay at napakalaki umano ng naitulong ng naturang programa sa kanilang buhay dahil dito ay tumaas ang antas ng kanilang pamumuhay at sa pamamagitan ng programa ng 4Ps ay kanilang naitaguyod ang kanilang mga anak na nakapagtapos na ng kolehiyo at mayroon nang mga trabaho.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang human development measure ng pambansang pamahalaan na nagkakaloob ng conditional cash grants sa pinakamahihirap upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0-18. Layon nito na maiahon ang mga Pilipino sa bansa mula sa kahirapan.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nangungunang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa ng 4Ps.