Ni Marie F. Fulgarinas
MIMAROPA, Philippines — Pasado sa 2023 Good Financial Housekeeping award ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang labimpitong Local Government Unit (LGU) sa Palawan kabilang ang Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang labing-anim na bayan sa lalawigan ay kinabibilangan ng Aborlan, Agutaya, Bataraza, Brooke’s Point, Busuanga, Culion, Cuyo, El Nido, Linapacan, Narra, Quezon, Roxas, San Vicente, Kalayaan, Rizal, at Sofronio Española.
Sa Facebook post, ibinahagi ni Linapacan Mayor Emil T. Neri na makalipas ang mahigit isang dekada muling nakapasok ang nasabing bayan sa listahan ng mga nakatanggap ng Good Financial Housekeeping award ng DILG.
Ani Neri, “[resulta umano ito ng mga pagbabagong pinatupad ng Punong Bayan tungkol sa magandang sistema ng pananalapi — masinop, maayos, at tapat na paggamit ng pondo para sa mga proyektong pakikinabangan ng mga mamamayan ng Linapacan]”.
Inilatag din ni Neri na ang naging batayan ng DILG sa pagpili ng mga LGU na pumapasa at napapabilang sa Good Financial Housekeeping (GFH) Official List.
Ayon sa DILG, ang criteria ng 2023 GFH ay una ang “Most recent available COA Audit Opinion must be Unqualified or Qualified for CYs 2021 or 2022, based on the annual audit report posted in the COA website, as of July 21, 2023 (end of SGLG Regional Assessment); at pangalawa, ang “Compliance with Full Disclosure Policy requirements on the timely and complete posting of required financial documents in three (3) conspicuous places and in the FDP Portal for the 2nd to 4th quarter of CY 2022, and 1st quarter of CY 2023, based on the data provided by the FDP Central Team, BLGS-PCMD.