PHOTO | COMELEC PALAWAN

Ni Clea Faye G. Cahayag

NATAPOS na ang anim (6) na araw na filing period ng certificate of candidacy (COC) para sa Barangay at Sanggunian Kabataan Elections (BSKE) 2023 na gaganapin sa Oktubre 30.

Sa ibinahaging datos ng Commission on Elections (COMELEC) Palawan, aabot sa 17, 815 aspirante ang kabuuang naghain ng kandidatura sa lalawigan at lungsod.

Ayon sa ahensya, kabuuang 1,206 ang naghain ng kandidatura para sa pagka-barangay kapitan habang 10,371 naman ang naghain ng kandidatura sa pagka-sangguniang barangay member.

Dagdag dito, nasa 1,130 naman ang mga indibidwal na naghain ng pagka-sangguniang kabataan chairperson habang 5,108 naman ang naghain ng candicacy sa pagka-sangguniang kabataan member.

Ang datos na ito ay nagmula sa dalawampu’t tatlong (23) bayan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.

Matatandaang binuksan ng Commission on Elections (COMELEC) ang paghahain ng COC mula Agosto 28, 2023 hanggang Setyembre 2, 2023.

Sa kabuuang tala ng COMELEC Palawan, nangunguna pa rin ang Puerto Princesa sa pinakamaraming aspirante na naghain ng kandidatura sa bilang na 2,953. Sinundan naman ito ng munisipyo ng Roxas sa dami na 1,286; bayan ng Taytay na nakapagtala ng 1,284; at Narra na mayroong 1,180 bilang.

Ayon kay G. Jomel Ordas, tagapagsalita ng Provincial Comelec, sa anim na araw na filing period ng COC wala silang naitalang problema.

Aniya, naging hamon lamang sa kanilang tanggapan ang dami ng nagsusumite ng kandidatura partikular sa Puerto Princesa at mga malalaking munisipyo tulad ng Roxas at Taytay sa Palawan ngunit binigyang-diin na lahat ng ito ay kanilang na-accommodate hanggang sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy.

Paliwanag pa ng opisyal, ang 17,815 kabuuang COC na kanilang natanggap ay isusumite sa main office ng COMELEC at dadaan sa verification para masiguro na ang lahat ng kandidato ay qualified at walang disqualification sa batas.

Pagkatapos ng verification, ang COMELEC ay maglalabas ng certified list of candidates bago ang eleksyon sa Oktubre 30. Ang listahang ito ay ilalathala o makikita sa mga barangay hall.