Photo courtesy | PIO Palawan
PUERTO PRINCESA CITY — Pormal nang inilunsad sa lalawigan ng Palawan ang labing-walong (18) araw na kampanya kontra sa pang-aabuso sa mga kababaihan na may temang “United for a Vaw-Free Philippines” na ginanap sa Governor’s Conference Room nitong ika-28 ng Nobyembre 2023.
Pinangunahan ito ni Governor Victorino Dennis M. Socrates, kasalukuyang Chairman ng Provincial Inter-Agency Council Against Trafficking and Violence Against Women and their Children and Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials o PIACAT-VAWC-OSAEC-CSAEM, kung saan tinalakay nito ang kasalukuyang sitwasyon at datos ng mga kasong may kaugnayan sa VAWC pati na rin ang mga hakbangin at aksiyon na patuloy umanong isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan nang sa ganun ay mawakasan ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan.
Sa kaganapan, kasama ng gobernador sa sina Atty. Mary Joy Ordaneza-Cascara, Assistant Provincial Legal Officer, at Atty. Lara Cacal, Deputy Director ng Peace and Order Program (POP), at ilang miyembro ng konseho, at mga mamamahayag sa lalawigan.
Ang VAWC ay isang batas na naglalayong mapuksa ang paglaganap ng karahasan sa mga kababaihan at kanilang mga anak mula sa kanilang mga asawa o dating asawa, live-in partner o dating live-in partner, boyfriend o girlfriend o ex-boyfriend at ex-girlfriend, o dating mga partner.