Photo courtesy | PNP MIMAROPA

PORMAL nang nanumpa ang kabuuang 188 Newly Appointed Police Non-Commissioned Officers (NAPNCOs) ng Philippine National Police (PNP) matapos dumaan sa matinding screening process.

Pinamunuan ni PBGEN Roger L. Quesada, Regional Director, PRO MIMAROPA ang Oath-Taking and Turnover Ceremony ng 188 PNP Candidates for Calendar Year 2024 na magiging Patrolman at Patrolwoman.

Sa kanyang mainit na pagbati, binigyang-diin ni PBGEN Quesada ang bigat at responsibilidad ng kanilang sinumpaang tungkulin, hinimok ang mga recruits na panindigan ang kanilang panunumpa.

“Mga recruits, itanim nyo sa inyong isip na ang inyong panunumpa sa tungkulin ay may bigat at responsibilidad. Ito ay isang pangako na dapat ninyong panindigan, lalo na sa mga panahong sinusubok ang inyong katapatan at prinsipyo. Maging tapat kayo hindi lamang sa batas kundi na rin pati sa inyong konsensya. Ang sumpang ito ang magiging gabay ninyo sa bawat desisyon at aksyon na inyong gagawin bilang mga pulis,” mensahe ni PBGEN Quesada.

Nasa halos 1,500 ang aplikante ngunit umabot sa kabuuang bilang na 188 ang masusing pinili at nakapasa, na binubuo ng 121 lalaki at 67 babae. Ang mga ito ay nanumpa nang mga bagong pulis bilang karagdagang miyembro ng PNP, na sinaksihan din ng kanilang mga pamilya ang naturang okasyon na ginanap nitong ika-10 ng Disyembre, taong kasalukuyan.

Nangako ang mga ito na maglilingkod sa publiko ng may buong husay at katapatan kalakip ang karangalan, hustisya at integridad upang maging epektibong miyembro ng PNP.

Samantala, matapos manumpa ay agad na ini-turn over ang mga bagong PNP recruit para sa panibagong anim na buwan para sumailalim sa Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) sa Regional Training Center MIMAROPA sa Bansud, Oriental Mindoro upang bigyang kaalaman at kasanayang kinakailangan para sa epektibong pagpapatupad ng batas.

Author