PHOTO//PIO PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

MATAGUMPAY ang isinagawang kauna-kaunahang synchronized Pista ng Kalikasan sa labintatlong (13) munisipyo ng Palawan partikular na sa Barangay Campong Ulay ng bayan ng Rizal na isinagawa nitong ika-30 ng Hunyo, taong kasalukuyan.

Kasabay rin na natamnan ang mga bayan ng Quezon, Aborlan, San Vicente, El Nido, Culion, Coron, Dumaran, Roxas, Narra, Sofronio Española, Kalayaan, at Brookes Point na bahagi ng pagdiriwang ng Baragatan Festival 2023 sa lalawigan.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng 29th Pista ng Kalikasan sa Palawan na kung saan ay umabot sa 3,000 propagules ng samu’t saring uri ng hardwood na kinabibilangan ng ipil, narra, nato at manggis ang mga naitanim ng mga nakiisa sa nabanggit na aktibidad, ayon sa tanggapan ng Impormasyon ng Kapitolyo.

Layunin ng nasabing aktibidad na patuloy na maitaguyod ang pagpapalago sa kalikasan ng lalawigan na umabot sa tatlong (3) ektaryang kabundukan ang natamnan.

Ayon kay Provincial ENRO Atty. Noel E. Aquino, ang naturang mga lokasyon partikular ang bayan ng Rizal ay natukoy sa pamamagitan ng rekomendasyon ng mga LGU gayundin ng nabuong restoration map ng kanilang tanggapan upang magsilbing gabay ng Pamahalaang Panlalawigan hinggil sa mga kabundukan sa lalawigan na kinakailangang pagtuunan ng pansin.

Photo//PIO Palawan

Aniya, target na maitanim ang 20,000 seedlings ng mga punongkahoy sa lugar bago matapos ang taon kung kaya’t inaasahan na muling magkakaroon ng mga kahalintulad na aktibidad sa mga susunod na buwan.

Kaugnay nito, lubos naman ang naging pasasalamat ni Rizal MENRO Jenel Joy Calamba-Torres sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay ginanap ang aktibidad sa kanilang bayan. Aniya, nararapat lamang umano na maibalik ang mayabong na kabundukan ng kanilang lugar.

“First time po [rito] sa bayan ng Rizal, kami po ay nagpapasalamat sa lahat ng support lalo na sa ating Provincial Office [PG-ENRO] dahil kung wala po sila, hindi po natin magagawa itong Pista ng Kalikasan na ito. Kinakailangan na rin po talaga namin ng maraming tulong dahil kung napapansin po ninyo, medyo malaki-laki na rin po ‘yong mga denuded areas dito sa Rizal,” ani Torres.

Ang 29th Pista ng Kalikasan ngayong taon ay magkatuwang na itinataguyod ng PG-ENRO katuwang ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mga mining companies sa lalawigan at pamunuan ng mga lokal na pamahalaan at barangay na nabanggit.

Samantala, personal ding dumalo sa aktibidad si Board Member Ariston D. Arzaga, Rizal Vice Mayor Maria Gracia M. Zapanta at Sangguniang Bayan Members habang nakiisa rin ang aabot sa 700 na mga indibidwal mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) National Government Agencies, LGUs, academe at ilang pribadong sektor sa lalawigan at iba pa.