PUERTO PRINCESA — Dalawampung (20) lokal na kumpanya ang dumalo at nag-alok ng mga trabaho sa mga Palaweñong aplikante sa ginanap na Job Fair na ikinasa ng Provincial Public Employment Service Office (PESO) nitong araw ng Miyerkules, Oktubre 23, taong kasalukuyan.
“Nakakatuwa na 32 years na ang PESO and I hope nakakatulong tayo sa ating mga kababayan at mga kabataang bagong graduate sa paghahanap nila ng trabaho. We hope that someday Provincial PESO would be something big na makatulong at marami pang magawa sa probinsya ng Palawan”, pahayag ni Provincial PESO Officer-In-Charge Orphy C. Ordinario sa ginanap na job fair sa Robinsons Place Palawan.
Nakiisa naman ang mga ahensya ng Philippine Statistics Authority (PSA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Social Security System (SSS), Philhealth, Pag-IBIG Fund, at National Bureau of Investigation (NBI) na nagbigay ng libreng serbisyo.
Dalawa (2) sa limampu’t anim (56) na mga aplikanteng dumalo sa nasabing job fair ang na ‘hired on the spot’, ayon sa ulat ng Provincial Information Office.