Palawan—Nagpaabot ng tulong pangkabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa dalawang asosasyon sa lalawigan ng Palawan.
Ayon sa DOLE, pinagkalooban ng P1.5 milyon ang Tinintinan Farmers’ Association para sa pagpapaunlad ng kanilang poultry egg layer production business. Ang asosasyon ay mayroong 110 miyembro.
Dagdag pa rito, nakatanggap rin ng P1.5 milyon na tulong pangkabuhayan ang Tinintinan Womens’ Association na mayroong 165 benepisyaryo para naman sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayang mini-grocery.
Ang pamamahagi ng kabuuang P3 milyong tulong ng ahensya sa dalawang nabanggit na asosasyon ay pinangunahan ni DOLE Palawan Provincial Director Carlo Villaflores noong ika-16 ng Mayo sa Barangay Tinintinan, Araceli, Palawan.
Sa parehong araw, ipinagkaloob rin ang tseke na nagkakahalaga ng P1,053,744 milyon para sa 249 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD sa LGU Araceli bilang Accredited Co-Partner (ACP), at nagsagawa ng oryentasyon sa iba pang 481 benepisyaryo ng TUPAD sa lugar.