LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Personal na dinaluhan ni Governor Victorino Dennis M. Socrates ang pagpapasinaya sa dalawang (2) bagong tayong school building sa Mababang Paaralan ng Panacan at Cacarigan sa bayan ng Narra, Palawan.
Ayon sa ulat ng Provincial Information Office (PIO), ang pagpapatayo ng nabanggit na gusali ay pinondohan sa ilalim ng Special Education Fund (SEF) ng Pamahalaang Panlalawigan na ang bawat school building ay nagkakahalaga ng mahigit 5.4 milyong piso.
Ang mga nasabing gusali ay mayroong tag-dalawang classrooms at comfort room na may kabuuang sukat na 157.5 sq at nakumpleto sa loob ng 140 calendar days sa pangangasiwa ng Provincial Engineering Office (PEO).
Sa mensahe ni Socrates, ibinahagi nito ang kanyang kasiyahan sa pagpapasinaya ng mga bagong silid-aralan na malaki umano ang maitutulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral at magagamit din ng maraming kabataan.
“Alam ko laging kulang ang mga classroom sa mga paaralan dahil dumarami ang mga kabataan na kailangan na makapag-aral, kaya ako ay nagpapasalamat na napasama ako ngayong araw. Nagpapasalamat ako na mayroon tayong ganitong okasyon, pasisisinayaan ‘yong ating building upang sa pagdating ng mga araw, sa paglipas ng panahon ay lalong dumami ang mga kababayan natin ang makinabang dito at pagmulan ito ng marami pang kabutihan,” ani Gob. Socrates.
Samantala, sa pamamagitan ni Schools’ Division Superintendent Elsie T. Barrios, pinasalamatan ng Department of Education (DepEd) Palawan ang Pamahalaang Panlalawigan sa patuloy nitong suporta sa sektor ng edukasyon upang matulungan ang mga guro lalo na ang mga mag-aaral na makamit ang tinatawag na conducive learning at masiguro ang pagkatuto at kapakanan ng mga batang Palawenyo.
“Ang pakiusap ko lang as SDS, please take good care of these classroom buildings given to us by the DepEd and Local Government through our Governor, dahil po ang DepEd alone cannot do it to fill in the gap and needs. Kapag tayo lamang po sa DepEd, hindi po natin kaya ‘yon.
Ang malakas at matibay na ugnayan ng DepEd at LGU with the help of our officials in the province will make sure that the future of the learners will be brighter than before,” ani Barrios.
Hinggil dito, nangako naman ang pamunuan ng mga nabanggit na paaralan na kanila umanong iingatan at pahahalagahan ang mga bagong gusali at silid-aralan na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang DepEd. Lubos din ang naging pasasalamat ng mga magulang at mga mag-aaral ng nabanggit na mga paaralan.
Dumalo sa nasabing aktibidad sina Board Members Ryan D. Maminta, Ariston D. Arzaga, Al-Nashier M. Ibba at Marivic H. Roxas. Naroon din si Narra Mayor Gerandy Danao, Barangay Council ng mga nabanggit na barangay, faculty members, mga magulang at mga mag-aaral.