PUERTO PRINCESA CITY — Timbog ng mga awtoridad ang dalawang Chinese national at isang Pilipinong indibidwal matapos marekober sa kanilang pagmamay-ari ang mga palikpik ng pating (shark fin) at sea cucumber o balatan sa Brgy. Minara, bayan ng Roxas, Palawan, nitong araw ng Martes, Oktubre 17.

Kinilala ang mga indibidwal na sina Yixiang Huuang, Aaron Tan Wee, pawang mga residente ng lungsod ng Leyte; kasama ang isang Pinoy na kinilalang si Moktar Anodin Pendiwata, 40 anyos, residente naman ng bayan ng Dumaran, Palawan.

Ayon sa Roxas Municipal Police Station, habang nagsasagawa Comelec Checkpoint ang kanilang mga tauhan sa lugar, may nakapagbigay ng impormasyon hinggil sa pagpupuslit ng buhay-ilang sakay ang isang pulang Mirage na sasakyan.

Anila, pagdating sa checkpoint area, pinahinto ng mga nakatalagang kapulisan ang naturang sasakyan dahil umano sa hindi pag-seatbelt ng driver at ng katabing pasahero nito.

Sa pag-iinspeksyon pa ng kapulisan, napansin ng mga ito ang kahina-hinalang bagahe, nang buksan ng mga awtoridad ang bagahe, 122 pirasong palikpik ng pating at walumpu’t dalawang (82) pirasong balatan o Sea Cucumber ang tumambad sa mga kapulisan.

Agarang nakaipag-ugnayan ang mga otoridad sa pamunuan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) para beripikahin ang nasabat na kontrabando dahil bigo umanong magpakita ng mga legal na dokumento ang mga nabanggit na indibidwal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Roxas MPS ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9147 o ang Wild Life Act.

Author