PUERTO PRINCESA CITY — Matagumpay ang isinagawang dalawang araw na Oil Spill Awareness at Emergency Response Training sa nabanggit na lungsod nitong Hulyo 30 hanggang ika-31 ng buwan, ayon sa ulat ng Marine Environmental Protection Enforcement and Response Group ng lalawigan ng Palawan.
Ayon sa ulat, pinangunahan ito ng nasabing grupo sa pakikipagtulungan ng City Disaster Risk Reduction Management Office o CDRRMO bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.
Sa unang araw ng pagsasanay, tinalakay ang mga usapin patungkol sa katangian ng langis, mga diskarte sa pagtugon sa posibleng oil spill, pagpapaigting ng mga pamamaraan sa paglilinis ng baybayin, at contingency plan ukol sa pagsawata sa pagkalat ng langis.
Sa ikalawang araw naman ng aktibidad, inaral ng mga kalahok ang paggawa ng mga indigenous boom materials at Table Top Exercise kung saan ang mga karagdagang pamamaraan ng pagtugon sa oil spill ay tinalakay at ipinakita ng mga tagapagsanay ng Marine Environmental Protection group.
Layunin ng aktibidad na magbahagi ng kamalayan tungkol sa masamang epekto ng oil spill sa kapaligiran at mabigyan ng kaalaman ang mga komunidad at kasanayan ukol sa wastong paglilinis nito.
Dinaluhan ito ng mga kalahok mula sa CDRRMO – Puerto Princesa, DENR-EMB, Bantay Dagat, CENRO, DILG, PPA, BFAR, Maritime Group-PNP at Philippine Navy. Maliban sa nasabing mga grupo, dumalo rin ang ilang mga observers mula sa iba’t ibang private oil facilities na kinabibilangan ng kompanyang Petron, Seaoil, Staroil, Filoil, at Sevenstar.
Samantala, ang pagsasanay na ginanap sa nasabing lungsod ay nagtapos sa pagsasagawa ng Oil Spill Response Drill and Simulation sa loob ng Puerto Bay.