Photo courtesy | PPO-Palawan

BUMAGSAK sa kamay ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PPO) ang dalawang indibidwal na may kinakaharap na magkahiwalay na kaso sa mga bayan ng Brooke’s Point at Coron, Palawan.

Ayon sa police report, kinilala ang mga naarestong indibidwal na sina alyas “Macmac” na residente ng Barangay Barong-Barong sa bayan ng Brooke’s Point, habang dinakip din ng awtoridad ang isang pang lalaki na residente ng Lower Bancuang, Barangay Poblacion 5 sa bayan ng Coron.

Si alyas “Macmac” ay nakalista bilang most wanted person rank no. 10 sa provincial level at rank no.1 naman sa municipal level na inaresto bandang 10:26 ng umaga nitong ika-20 ng Pebrero, taong kasalukuyan, sa bisa ng warrant of arrest dahil sa krimen ng frustrated murder, na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000.00.

Samantala, hinuli naman ang isang 45-taong gulang na lalaki na itinuturing na most wanted rank no. 9 sa provincial level at rank no. 1 sa municipal level sa bayan ng Brooke’s Point na natimbog nitong ika-19 ng Pebrero, taong kasalukuyan, dahil sa paglabag sa Article II, Section 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may inirekomendang piyansa na P40,000.00.

Gumamit ang operating team ng isang body-worn camera at isang cellphone bilang alternative recording devices sa operasyon para sa pagkakatimbog sa nasabing wanted sa bayan ng Brooke’s Point.

Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga nahuling most wanted persons para sa tamang disposisyon.

Author