Photo courtesy | 1st PMFC

BINAWI ng dalawang kalalakihan ang kanilang katapatan sa kinaaanibang makakaliwang grupo matapos isinuko ang kanilang mga sarili sa awtoridad.

Ayon sa ulat ng awtoridad, magiging tapat na sa pamahalaan ang dalawang indibidwal na sina alyas “Lito” at alyas “Nemen” na dating mga miyembro ng binuwag na Bienvinedo Vallever Command ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG)-South, New People’s Army (NPA)-Palawan, Sub-Regional Military Area (SRMA)-4E, STRPC, at Non-PSR.

Ang mga sumukong indibidwal ay nakalista sa mga Barangay ng Tarusan at Barangay Bulalacao sa bayan ng Bataraza ng lalawigan ng Palawan.

Pinangunahan ng mga tauhan ng 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang isinagawang negosasyon at pagtulong sa pagbawi ng suporta nina alyas “Lito” at alyas “Nemen” sa nasabing nabuwag na grupo, kamakailan.

Naging instrumento rin sa matagumpay na pagsuko ng mga nagbalik-loob na indibidwal ang Provincial Intelligence Unit (PIU) Bataraza Municipal Police Station (MPS) at PIU Palawan, RIU 4B at 401st BMC Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 4B.

Dahil sa pinahusay na intelligence operations, malayang idineklara nina alyas “Lito” at alyas “Nemen” ang kanilang pagbawi ng suporta sa Communist Terrorist Group (CTG) sa pamamagitan ng panunumpa sa pamahalaan.

Samantala, iba’t ibang mga hakbang naman ang isinasagawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kontra terorismo tulad ng Barangay Development Program (BDP), Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), at Intelligence Operations.

Gayundin ang pakikipagtulungan sa mga pribadong paaralan at iba pang educational institutions upang labanan ang pag-recruit ng mga Kabataan sa mga teroristang grupo. Kabilang din ang pagpapatupad ng mga kampanya upang magbigay ng kaalaman sa publiko tungkol sa panganib ng terorismo.

Author