Photo courtesy | PPCPO - PS5

Patay ang isang 25-anyos na lalaki at 2-taong gulang na bata sa nangyaring banggaan sa pagitan ng top-down at motorsiklo sa bahagi ng national highway sa Brgy. Maoyon, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong gabi ng Miyerkules, Enero 22.

Ayon sa police report, minamaneho ng foreign national ang motorsiklo habang ang top-down ay lulan ng isang pamilya na may anim (6) na katao.

Bibili umano ang mag-anak ng ulam sa talipapa ng nasabing barangay subalit pagdating sa pinangyarihan ng insidente, dito na nabangga ang kanilang sinasakyang top-down ng kasalubong nitong motorsiklo sakay ang Spanish national.

Agad na isinugod sa pagamutan ng Ospital ng Palawan (ONP) ang mga sangkot sa insidente ngunit agad na binawian ng buhay ang dalawa mula sa anim na sakay ng nasabing top-down.

Samantala, nagawa pang tumakas ng dayuhan matapos itong dalhin sa nasabing pagamutan at lapatan ng paunang lunas.

Agad namang nahuli sa paliparan ng Puerto Princesa International Airport ang banyaga bago tuluyang makalabas ng lungsod.

Nahaharap ang dayuhan sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Physical Injury.

Author