PHOTO | FACEBOOK/ IPILAN MINING CORPORATION

Ni Ven Marck Botin

NAGHAIN na motion for reconsideration o MR ang Celestial Nickel Mining Corporation (Celestial Mining) at Ipilan Nickel Corporation (INC) kaugnay sa kinakaharap na cease-and-desist order (CDO) na inilabas kamakailan ng tanggapan ng National Commission on Indigenous People (NCIP) Regional Office hinggil sa iresponsableng pagmimina ng kumpanya sa bayan ng Brooke’s Point.

Sa mosyon, hiniling ng minahan sa korte na bawiin ang desisyon ng NCIP at i-dismiss ang inihaing reklamo ng grupo ng mga katutubo sa kabiguan ng kumpanya na makapag-comply sa alintunin at guidelines ng ahensya.

Binigyang-diin naman ng minahan sa kanilang mosyon na dapat ipawalang-bisa ang kautusan ng NCIP at iginiit na wala umanong hurisdiksyon ang ahensya sa desisyon ng Supreme Court.

Samantala, panawagan ng mga katutubo at iba pang sektor na ibasura ang aplikasyon ng minahan na ipagpatuloy ang operasyon nito sa Brooke’s Point, Palawan.