Photo courtesy | Palawan PPO

KULONG ang dalawang most wanted persons kasama ang labing-apat pang wanted na may iba’t ibang kinahaharap na mga kaso matapos matimbog ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PPCPO).

Sa pinaiigting na kampanya ng kapulisan kontra wanted persons, natiklo ang kabuuang labing-anim na mga wanted mula ika-25 ng Enero hanggang ika-2 ng Pebrero, taong kasalukuyan.

Naaresto ang mga wanted sa pamamagitan ng mga mahuhusay na police operations na isinagawa sa loob ng isang linggo sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Joel Dalisay Casupanan, Provincial Director.

Sa pagtutulungan ng iba pang ahensya, dalawang katao pa ang matagumpay na nadakip dahil sa iligal na pagtotroso sa pamamagitan ng dalawang operasyong ikinasa ng pulisya na nagresulta naman sa pagkakakumpiska ng iligal na troso na nasa 293 board feet na mayroong tinatayang halaga na P16,980.00.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pamumutol ng mga puno sa kagubatan nang walang pahintulot o labag sa batas. Itinuturing na isang malaking problema ang illegal logging dahil sa mga negatibong epekto nito sa kalikasan at lipunan.

Samantala, limang mga armas naman ang boluntaryong isinuko ng mga may-ari nito sa istasyon ng pulisya sa ilalim ng pinaiigting din na Oplan Katok ng Philippine National Police (PNP).

Inaasahang ibabalik ang mga nakumpiska o isinukong mga baril sa mga gun owners kapag naayos na ang mga expired firearm licenses ng mga ito.

Author