PALAWAN, Philippines — Magtatayo ng isang 2- Storey 6-Classroom Building sa barangay Marufinas ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa. Ito ay pinondohan ng humigit-kumulang 19 milyong piso mula sa Special Education Fund (SEF).
Ayon sa City Information Office, sinabi ni Puerto Princesa Underground River (PPUR) Park Superintendent Elizabeth Maclang, noong una ay walang kontraktor ang nais gumawa ng proyektong nabanggit dahil sa problema sa pagdadala ng mga materyales sa isla ng Marufinas kaya naman ang orihinal na pondo ay dinagdagan ng anim (6) na milyon.
Sa kasalukuyan, ang pondo ng proyektong gusali ay umabot sa P25-M.
Ang 2-storey 6-classrooms building ng Marufinas Integrated School ay dinisenyo na isang typhoon resilient.
Binigyang-diin naman ni City DepEd Schools Division Superintendent Laida M. Mascareñas ang kahalagahan ng mga classroom at school building para sa edukasyon ng mga kabataan.
“Sama-sama tayo, subaybayan natin ang mga kabataan, tulungan silang maabot ang kanilang mga pangarap, at maging responsableng mamamayan. Para sa bata, para sa bayan,”ang tinuran ni Mascareñas.
Nagpasalamat naman si Kapitan Crespe V. Cena dahil sa kanilang lugar napiling itayo ang proyekto.
Sa pamamagitan ng proyekto, hindi na magpapalipat-lipat ng lugar ng kanilang klase ang mga mag-aaral sa sekondarya dahil mayroon nang mga karagdagang silid-aralan at hindi na rin kailangan pa magboarding house ng ilang mga mag-aaral sa malayong barangay dahil mayroon nang malapit na paaralan sa naturang barangay.
Ang groundbreaking ceremony nito ay isinagawa noong Hunyo 11 na dinaluhan ng mga guro, mga opisyales mula sa City DepEd, DENR-CENRO, PPUR Staff, at mga opisyales ng brgy. Marufinas.