PALAWAN, Philippines — PATULOY ang ginagawang pagbabantay ng City Health Office (CHO) sa banta ng Pertussis sa lungsod.
Sa isinagawang zoom meeting kahapon, Abril 8, kinumpirma ni Dr. Ralph Marco Flores, Rural Health Physician ng CHO na mayroong naitalang dalawang suspected case ng Pertussis sa Puerto Princesa City.
Ayon kay Flores, ito ay mula sa dalawang batang babae na nag-e-edad ng 2 at 6 taong gulang.
Ang unang suspected case ay naitala noon pang buwan ng Pebrero kung saan ang pasyenteng dalawang taong gulang na batang babae ay nai-admit sa isang ospital sa lungsod matapos makaramdam ng sintomas ng nabanggit na sakit. Ito ay agarang nabigyan ng karampatang gamot at kalauna’y gumaling.
Habang ang ikalawang pinaghihinalaang kaso ng Pertussis ay naitala nito lamang nakaraang Linggo mula naman sa isang anim na taong gulang na babae.
Ito ay kasalukuyang naka-isolate maging ang kanyang mga kasama sa bahay habang hinihintay ang confirmatory test nito.
“[Mayroon] po tayong dalawang suspected cases ng Pertussis; ‘yung two year old female ay na-admit sa isang ospital nung February. Nagamot po at magaling na po pero continue pa rin ang surveillance natin sa mga kalapit niya na lugar kung [mayroong] clustering na mangyayari at ‘yung isa ay isang six year old female na na diagnosed last week.
[K]inunan po ng sample at ipinadala sa RITM at hinhintay po natin ang confirmatory test result kung ito po ay Pertussis pero gayunpaman ay binigyan na rin natin ng karampatang gamot at naka-isolate ang batang ito ganun din po yung kasama sa bahay,” ang paliwanag ni Flores sa lokal na midya.
Binigyang-diin ng opisyal na wala pang kumpirmadong kaso ng Pertussis sa lungsod.
“Yan po ang dalawang kaso ng suspected—wala pa po tayong confirmed case sa Puerto Princesa,” dagdag pa nito.
Ang Pertussis o Ubong Dalahit ay isang nakakahawang sakit na sanhi ng mikrobyo na nakaaapekto sa baga at daluyan ng hangin.
Ang sakit na ito ay kilala rin sa tawag na “tuspirina” na nagdudulot ng hirap sa paghinga dahil sa marahas at biglang bugso ng pag-ubo.