PUERTO PRINCESA CITY – Tuluy-tuloy sa pagraket ang mga kababaihang residente ng Correctional Institution for Women (CIW) Sta. Lucia Sub-colony sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang handicrafts gaya ng pitaka, tissue holder, bag, key chain, at iba pa.

Ayon kay CS04 Mary Ann Tabang, Acting Supervisor ng correctional, ang beadworks at crochet production ay bahagi ng kanilang Work & Livelihood Program na naglalayong makatulong sa kanilang mga residente sa pinansyal at emosyonal na aspeto. Ito rin ang nakikitang paraan ng pamunuan bilang paghahanda sa mga residente sa kanilang paglaya.

Kuwento naman ng ilang mga kababaihan, ang paggawa ng handicrafts ay natutunan nila sa kanilang dating institusyon kung saan dala-dala nila sa kanilang paglipat sa Sta. Lucia.

Sa ngayon, dalawampung (20) mga kababaihang manggagawa ang tulung-tulong sa pagdisenyo at pagbuo ng mga handicrafts na ibinibenta sa abot-kayang halaga. Sa kabilang dako, ang mga residente ng Correctional Institution for Women Sta. Lucia ay nanggaling pa sa CIW Mandaluyong at iba pang penology sa lalawigan ng Palawan. Ito ay pinamumunuan ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF).

Author