PUERTO PRINCESA CITY — Masayang-masaya ang mga residente ng bayan ng Linapacan, Palawan, dahil maliwanag na ang kanilang lugar matapos pasinayaan ang proyektong “Tanglaw sa Komunidad Solar Micro- Grid Project”.
Sa ilalim ng proyekto, humigit-kumulang 200 kabahayan sa Barangay Cabunlawan at Binalabag Island sa Bgy. San Miguel, nabanggit na munisipaliad ang nabigyan ng elektrisidad.
Ang pagpapailaw ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU) Linapacan, Malampaya Foundation Incorporated at Prime Energy Resources Development.
Ayon kay Linapacan Mayor Emil Neri, ang elektripikasyon sa mga malalayong isla sa kanilang munisipyo ang isa sa prayoridad ng kanyang liderato kasama sina Vice Mayor Ricky Rodriguez at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
“Nu’ng una, sinabihan namin sila na may project na Tanglaw sa Komunidad ang Malampaya, kokonti lang ang gusto mag-avail. Sabi nila wala raw kasi silang pambili ng mga kable at metro. Kaya nag-suggest ang Sanggunian na mag-intervene ang LGU.
Sinagot na namin ang mga kuntador nila at wires, sa lahat ng bahay. Para ‘di mapabayaan ang proyekto, in-organize natin ang mga beneficiaries at LGU na rin ang tumulong sa organization nila,” ang naging pahayag ng alkalde.
Tiniyak naman ng Prime Energy Resources Development na tutulong sila para maibigay ang 120,000 kwh taunang energy production capacity sa dalawang isla.