PALAWAN, Philippines — Handa nang lumipat sa temporary shelter ang nasa mahigit dalawandaang pamilyang biktima ng sunog noong buwan ng Pebrero sa dalawang barangay sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon kay City Housing Officer and Temporary Shelter Administrator Nancy Pedrosa, nasa 221 pamilya ang unang batch ng pamilya na maililipat sa nabanggit na shelter.
Ang nasabing mga pamilya ay galing sa mga evacuation centers ng Bgy. Tagumpay, Bgy. Princesa at Bagong Pag-asa.
Nakatakda namang sunod na dadaan sa validation ang nasa 113 households mula naman sa evacuation center ng barangay Matiyaga.
Ang proyektong temporary shelter ay tinawag ni Pedrosa na isang ‘caring project’ ng lokal na pamahalaan dahil binibigyan nito ng mas maayos na tirahan ang mga biktima ng sakuna.
“Ang temporary shelter ay isang caring project ng city government dahil sa halip na sa evacuation center manatili ang mga nasalanta dito sila dadalhin upang dito magkaroon ng privacy, security at opportunity para makapagsimulang muli,” ani Pedrosa.
Ayon pa sa opisyal, ang kanilang opisina ay babalangkas ng mga polisiya na ipatutupad sa temporary shelter para mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng lugar.
“Isang pakiusap lang po sa lahat ng titira dito sa temporary shelter sana mapanatili na malinis at disente ang ating mga tirahan at kapaligiran. [Mayroong] mga rules at policies na ipatutupad sa shelter at lahat ay para sa ikabubuti ninyo,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay City Architect Honesto Teves, Pebrero 29 sinimulan ang konstruksyon ng temporary shelter na mayroong 440 units.
Ito ay mayroong limang (5) blocks: block 1 na mayroong 64 yunit, block 2 na mayroong 70 yunit, block 3 na may 136 yunit, block 4 na may 60 yunit, at block 5 na may 110 yunit.
Ang nasabing pansamantalang pabahay ay mayroong 140 showers, 140 toilets, at 5 septic tanks.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng 62,442, 779.11 milyong piso. Ito ay may kabuuang lawak na 2.3 ektarya na matatagpuan sa Barangay San Pedro, likod na bahagi ng City Coliseum.
“Ang component nito sa site development plan at utilities kasama ang tubig, kuryente at kalsada na nag-consume ng P2.7 milyon. [Ang] toilet at septic tank naman ay halagang 9.1 milyong piso [habang] yung shelter na 440 units ay P50.6 milyon. Nag-a-average po ng P115,000 per unit po ng ating shelter.
“Alam ko hindi ito perfect kasi nga temporary, eventually may mga problema tayong ma-experience nevertheless [mayroon] po tayong malinis at safe na lugar para po sa ating mga kababayan na nasunugan sa barangay Pagkakaisa at Bagong Silang,” ayon sa Arkitekto.
Sa mensahe naman ni City Planning and Development Officer Engineer Jovenee Sagun, ang proyekto ay mayroong hatid na socio-economic benefits kabilang ang seguridad, pangunahing pangangailangan ng pamilya at dignidad.
Binigyang-diin din nito na hindi lahat ng local government unit ay nagbibigay ng transition housing para sa mga biktima ng sakuna.
“Hindi po kasi natin mapapalitan ng monetary value yung security niyo, yung makapag-provide kayo ng basic needs sa pamilya at dignity — hindi po iyan mapapalitan kasi po ito po yung magbi-build ng ating mga character,”ani Sagun.
Nilinaw naman ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na ito ay pansamantalang tirahan lamang ng mga nasunugan dahil kalaunan ito ay ililipat sa ipinapagawang pabahay sa barangay Irawan.
Ani Bayron kapag nailipat na sa Irawan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa sunog, sunod na ilalagak dito ang mga pamilyang nakatira sa danger zone.
“Sana naiparamdam namin yung aming kagustuhan na mailagay kayo sa maayos na sitwasyon yun ang aming pinagpupursigehan, yun nga lang hindi namin maibigay ang pinakagusto niyo dahil may limitasyon din kami,” ang pahayag ng Alkalde.
Ibinalita rin ng Alkalde na habang nanunuluyan sa shelter, ang pamahalaang lungsod ang sasagot sa tubig at kuryente ng mga nakatira sa shelter.