PUERTO PRINCESA CITY – Pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Jethro Palayon bilang kinatawan ni Gob. V. Dennis M. Socrates ang paglagda sa isang kasunduan patungkol sa Inter-LGU Cooperation (Province-Wide Health System-Universal Health Care) at mga alkalde ng dalawampu’t tatlong (23) munisipyo sa lalawigan ng Palawan na ginanap nitong Marso 15 sa A&A Plaza Hotel, Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa PIO Palawan, ang 23 munisipyo ay hinati umano sa apat (4) na Sub-Provincial Health Clusters na binubuo ng Cuyo, Agutaya, Magsaysay (CAM); Busuanga, Coron, Culion, Linapacan (BCCL); Narra, Aborlan, Brooke’s Point, Rizal, Bataraza, Balabac, Sofronio Española, Quezon, Kalayaan (NABRBBEQ-K); at Roxas, El Nido, Dumaran, Cagayancillo, Araceli, Taytay, San Vicente (REDCATS).
Tumayo naman bilang kinatawan ng Department of Health (DOH)-Center for Health Development (CHD)-MIMAROPA si PDOHO Team Leader Dr. Peter Hew Curameng.
“This Memorandum of Agreement strengthened our commitment to deliver adequate and competent health services to our constituents. An organized Provincial Wide Health System is one of the highest forms of public service that we can give to the people,” mensahe ni Provincial Administrator Atty. Palayon.
“This marks the day of our full commitment in the realization of the Universal Health Care, the start of our health reform for the Palaweños and we are proud to say that every municipality in the province has committed to sign the Inter-LGU Cooperation MOA,” ayon pa kay Provincial Health Officer Dr. Faye Erika Labrador.
Ang nasabing kasunduan ay magbibigay daan para sa pagpapalakas ng ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at mga lokal na pamahalaan sa mga munisipyo sa pagpapatupad ng Universal Health Care o ang integration ng Province-Wide Health System (PWHS) na mas makapaghahatid ng maayos, mabilis na sistema at kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Mahalaga rin umano ang kooperasyon ng mga munisipyo upang maabot ang full-integration ng Universal Health Care dahil ang lalawigan ng Palawan ay isa sa integration site ng UHC.
“Sa pamamagitan ng inyong pagpirma sa kasunduan para sa Province-Wide Health System ay ipinapakita ng bawat munisipyo ang kani-kanilang pagtanggap ng hamon sa makabagong panahon tungo sa adhikain ng kalusugan pangkalahatan.
Ito rin ay hudyat na ang lalawigan ng Palawan ay handa na makipagkapit-bisig upang isulong ang kalusugan ng probinsya na sang-ayon sa rekomendasyon ng national Department of Health,” ani Board Member Marivic Roxas, Chairperson, Committee on Health and Hospital Operations.
Samantala, naroon din sa kaganapan sina Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa, Provincial Information Officer Atty. Christian Jay Cojamco, Board Member Arnel Abrina, mga kinatawan ng Provincial Health Board, Ospital ng Palawan at PHO Dr. Kristin Villaseñor mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon bilang panauhing pandangal.