
ARESTADO ng mga kapulisan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang 24-taong gulang na estudyante sa ikinasang buy-bust operation sa Purok UHA, Barangay Tiniguiban nitong araw ng Biyernes, Hunyo 6, taong kasalukuyan.
Batay sa police report, katuwang ng City Police Office sa pagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), City Intelligence Unit (CIU-PPCPO), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan, at Anti-Crime Task Force (ACTF) ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.
Nabili mula sa suspek ang isang (1) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang ‘shabu’ na tumitimbang ng 0.023 grams. Tinatayang nagkakahalaga ng isanlibo’t isandaang piso (P1,100.00) hanggang isanlibo’t limandaan at animnapu’t apat na piso (P1,564.00) ang nasabing ipinagbabawal na gamot.
Kaugnay rito, narekober din sa pangangalaga ng suspek ang isang (1) genuine P100.00 bill, (1) genuine 1,000.00 peso bill, (1) P1,000.00 fake bill na nagsilbing boodle money, at isang (1) Android cellular phone.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nasabing suspek.
Samantala, kinilala ang suspek sa ngalang alyas “Lowe” na kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga kapulisan habang naghihintay ng wastong disposisyon nito.