Photo courtesy | PHO Palawan
Ni Marie F. Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY – Nakikiisa ang mga kinatawan ng Provincial Health Office (PHO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa isinasagawang 2025 Annual Operational Plan (AOP) Health Investment Needs na sinimulan ngayong araw, Martes, Enero, sa Wynwood Hotel, Ortigas Center, lungsod ng Pasig.
Unang inilatag ang mga presentasyon ng objectives, rationale, at magiging daloy ng aktibidad na ibinahagi ni Field Health Operations Chief Anna Birtha I. Datinguinoo ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) MIMAROPA.
Inilatag din ni Provincial Health Officer Dra. Faye Erika Querijero-Labrador ang kasalukuyang AOP Investment Needs ng Palawan kabilang ang Situational Gap Analysis na 8-Point Action Agenda at Top 5 Priority Health Challenges ng lalawigan.
Dinadaluhan ng mga Provincial Health Officers at City Health Officers mula sa rehiyon ng MIMAROPA ang naturang aktibidad na isinasakatuparan sa pangunguna ng tanggapan ng DOH-CHD MIMAROPA na magtatagal hanggang sa ika-19 ng Enero.