PALAWAN, Philippines — Nakitaan ng pagbaba ang mga naitatalang kaso ng teenage pregnancy sa lungsod ng Puerto Princesa nitong mga nakalipas na taon.
Ayon kay Dr. Ralph Marco Flores, Rural Health Physician ng City Health Office, ang lungsod ay mayroong 15,902 kabuuang bilang ng mga kababaihan na nag-e-edad ng 15 hanggang 19 taong gulang. Mula sa bilang na ito, nakapagtala ng 771 kaso ng teenage pregnancy o katumbas ng 4.85 porsiyento noong nakaraang taon.
Batay naman sa Puerto Princesa City Health Office Vital Health Indices, noong 2017 nakapagtala ng 1,592 kaso ng maagang pagbubuntis; 2018 – 1051 cases; 2019 – 724 cases; 2020 – 705 cases; 2021 – 543 cases; at taong 2022 na may 699 cases.
Aniya, ngayong taong 2024 mula buwan ng Enero hanggang Abril, mayroon nang naitalang 261 kaso ng teenage pregnancy sa siyudad.
Matatandaan, mayroong unang pitong (7) barangay sa lungsod na kinabibilangan ng Brgy. San Jose, Brgy. Irawan, Brgy. Bacungan, Brgy. Sicsican, Brgy. Mangingisda, Brgy. San Manuel at Brgy. Bancao- Bancao ang nagtayo ng Adolescent Friendly Health Facility noong nakalipas na taong 2022.
Ang mga nabanggit na lugar ang pilot barangays ng implementasyon ng programa na kabilang sa mga lugar na mayroong mataas na kaso ng maagang pagbubuntis o teenage pregnancy sa lungsod.
Layunin ng Adolescent Friendly Health Facility na maiwasan at mapababa ang mga naitatalang bilang ng maagang pagbubuntis sa hanay ng mga kabataan.
Ito ay pawang dumaan sa pre-assessment para sa akreditasyon ng kanilang pasilidad. Pinili ito ng City Implementation Team ng ‘The Challenge Initiative Philippines’ batay na rin sa rekomendasyon ng City Health Office.