(Makikita sa larawan ang mga makinaryang ipinagkaloob ng Philmech sa mga magsasakang benepisyaryo sa lalawigan ng Palawan)

STA. MONICA, Puerto Princesa City — Limampung (50) asosasyon ng mga magsasaka sa nabanggit na lalawigan ang naging benepisyaryo ng mga pang-agrikulturang makinarya mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o Philmech, isang attached agency ng Department of Agriculture (DA).

Ang pamamahagi ng mga makinatya ay sa ilalim ng programa ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization.

Sa kabuuan, pitumpu’t apat (74) na mga yunit ng iba’t ibang Rice Machinery and Equipment na nagkakahalaga ng P280,696,612 ang mapapakinabangan ng mga kwalipikadong Farmers Cooperative and Association (FCAs) at Local Government Units (LGUs) sa Palawan.

Ang mga makinaryang ito ay kinabibilangan ng 21 units ng Four-wheeled tractor, 7 units ng Walk-behind transplanter, 4 units ng Riding Type Transplanter, 24 units of Rice Combine Harvester, 13 units ng 6T Recirculating Dryer, 3 units ng 1.5tph Multi-stage Rice Mill at 2 units ng 2-3 tph Multi-stage Rice Mill.

Ginanap ang provincial turnover sa Gymnasium ng bayan ng Narra nito lamang ika-7 ng Pebrero na dinaluhan ng mga benepisyaryong magsasaka mula pa sa mga munisipyo ng Dumaran, El Nido, Roxas, San Vicente, Taytay, Bataraza, Brooke’s Point, Quezon, Rizal, Aborlan at Lungsod ng Puerto Princesa.

(Makikita sa larawan ang mga makinaryang ipinagkaloob ng Philmech sa mga magsasakang benepisyaryo sa lalawigan ng Palawan)

Ayon kay PhilMech Director lll Joel Dator, ang pamamahagi ng mga kagamitang ito ay upang matulungan ang mga magsasaka na gumaan ang kanilang trabaho gayundin ang laking matitipid sa gastusin sa sakahan dahil sa mga libreng makinarya.

Lubos naman ang pasasalamat ni Narra Mayor Gerandy Danao dahil ang kaniyang bayan ng ay isa sa mga benepisyaryo ng programa.

Aniya, matagal nang hinihintay ng mga magsasaka sa Narra ang mapagkalooban ng mga pang-agrikulturang kagamitan. Sa hanay naman ng mga benepisyaryong magsasaka, nangako si Ruel Padilla, Presidente ng Maligaya May Pag-Asa Irrigators Association na ito ay kanilang iingatan at gagamitin sa tama.

Simula ng ipatupad ang program taong 2019, ang lalawigan ng Palawan ay nakatanggap na ng 723 units ng mga rice machinery and equipment na nagkakahalaga ng P766,440,889 kung saan nabenepisyuhan ang nasa 259 kwalipikadong grupo ng mga magsasaka.

Author