PUERTO PRINCESA CITY – Dahil sa nararanasang matinding tag-init sa bansa bunsod ng El Niño phenomenon kung saan lubos na naapektuhan ang mga kabuhayan ng mga magsasaka’t mangingisda, aabot sa P16 bilyong pisong halaga ng tulong at interbensyon ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño phenomenon.
Ayon sa ahensya, nitong Lunes, Abril 29, 2024, namahagi ang kanilang ahensya ng farm inputs kabilang ang mga buto at pataba na nagkakahalaga ng 638 milyon piso gayundin ang alokasyon para sa mga small-scale irrigation projects na nagkakahalaga ng 295 milyong piso.
“Kasama po rito iyong Php1.065 billion worth of rice farmers financial assistance. Ito iyong Php5,000 na ipinamahagi natin sa mga magsasaka ng ‘di tataas sa dalawang ektarya,” ani DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa inter-agency briefing ukol sa mga epekto ng El Niño.
Sa usapin ng Survival and Recovery (SURE) aid loan program, nagkaloob ang DA ng 77.5 milyong piso sa 3,100 magsasaka habang nasa 7,322 magsasaka naman ang nakinabang sa indemnification mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na nagkakahalaga ng Php68 milyon.
Samantala, tinuran naman ni De Mesa na ang validated agricultural damage sa buong bansa na nagkakahalaga ng Php4.39 bilyonkung saan pinakamahirap na tinamaan ang mga lalawigan ng Occidental Mindoro at Palawan.
“Hardest hit, ang Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, and Palawan) at Php1.7 billion and then followed by Western Visayas at Php1.02 billion,” ani De Mesa.
Sa tala ng DA, aabot sa 11 rehiyon sa buong bansa ang lubos na naapektuhan ng El Niño kabilang ang Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao region, at Soccsksargen.
Ayon naman sa Philippine News Agency (PNA), kabilang sa iba pang mga interbensyon na isinagawa ng DA ay ang pamamahagi ng mga alagang hayop, pagbibigay ng mga alternatibong proyektong pangkabuhayan para sa mga mangingisda, at mga operasyon ng cloud seeding, bukod sa iba pa.