Photos Courtesy | PRTC MIMAROPA

PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — Idinaos ng Police Regional Training Center (PRTC) MIMAROPA ang kanilang ikalawang Intramurals na sabay-sabay na isinagawa sa dalawang training centers sa rehiyon na matatagpuan sa Sitio Ibong, Brgy. Pag-asa, Bansud, Oriental Mindoro at ang annex nito sa Lungsod ng Puerto Princesa, Palawan, na ginanap nitong ika-14 ng Hunyo 2024.

Ang aktibidad ngayong taon ay may temang“Lakas sa Pagkakaisa: Pagbuo ng mga Pinuno sa pamamagitan ng Palakasan at Pagtutulungan ng magkakasama.”

Kasama rin sa mga kalahok ang mga miyembro mula sa Public Safety Senior Leadership Course (PSSLC) Class Alpha at Public Safety Junior Leadership Course (PSJLC) Classes Alpha hanggang Charlie.

Ayon sa tanggapan ng Police Regional Training Center, ang kaganapan ay nagpapakita ng pagkakaisa at pagiging handa sa palaro habang ang mga magiging lider na ito ay nakikibahagi sa iba’t ibang aktibidad sa palakasan na idinisenyo upang itaguyod ang pisikal na kalakasan, pagtutulungan ng magkakasama, at katatagan.

Ilan sa palarong tampok sa kaganapan ay kinabibilangan ng basketball, volleyball, at Palarong Panlahi na kung saan ang bawat kalahok ay nagpamalas ng kanilang pinakamahusay na pagsisikap sa pagkamit ng tagumpay.

Kasabay nito, ang Police Regional Training Center Region 4B Annex na naka-base sa Puerto Princesa ay nag-host din ng sarili nitong hanay ng mga aktibidad para sa Intramurals. Itinatampok din sa annex venue ang iba’t ibang palarona nilahukan ng mga miyembro ng PSSLC Class Bravo at PSJLC Classes Delta hanggang Echo.

Ang naturang aktibidad na nagpapakita ng mahahalagang bahagi ng programa ng pagtuturo para sa patuloy na mga kurso para sa kanilang karera ay nagbibigay -diin sa kanilang pisikal na kalakasan, pagkakaisa, at pag-unlad sa pamumuno.

Tampok din dito ang dedikasyon ng mga kalahok para sa kaligtasan ng publiko, na binibigyang-diin ang mahahalagang papel ng isports sa pagbuo ng pakikipagkaibigan at katatagan.