Ni Ven Mark Botin
IPINAGKALOOB sa dalawampu’t dalawang (22) Rice Farmers Associations sa bayan ng Dumaran ang nasa mahigit tatlong (3) milyong pisong tulong pinansyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng PGP CARES Rice Enhancement Program ng Office of the Provincial Agriculturist ng lalawigan ng Palawan.
Ang bawat asosasyon sa nabanggit na bayan ay nakatanggap ng halagang 150,000 cash assistance na magagamit ng mga ito sa kani-kanilang pagsasaka.
Sa ulat ng Provincial Information Office, ipinagkakaloob ang tulong pinansyal sa mga lokal na magsasaka sa bayan ng Dumaran kasabay sa pagbubukas ng ‘newly renovated’ Dumaran- Rural Agricultural Center o RAC sa Barangay Danleg nitong ika-4 ng Agosto 2023.
Inihayag naman ni Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal na ang pagbibigay ng cash assistance sa mga magsasaka ay pilot program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kung saan nakasalalay ang mga benepisyaryo sa tuluy-tuloy na takbo ng programa upang marami pang mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng lalawigan ang mabigyan ng pagkakataong makinabang sa tulong pinansiyal na ipinagkakaloob ng pamahalaan.
“Ang mga tatanggap ng financial assistance from Provincial Government of Palawan, pilot project po [‘yan]. Sa inyo po nakasalalay kung papano po ito magiging successful at magkakaroon din ng tulong ang katulad ninyo na mga magsasaka na nagtatanim ng palay. ‘Pag hindi po ninyo pinangalagaan [‘yan], hindi na po maipagpapatuloy ang programa,” ani Cabungcal.
Ayon pa kay Cabungcal, “ang perang natanggap ng bawat samahan ay maaaring gamitin na pambili ng mga kagamitan sa pagsasaka, abono, at pesticides na kinakailangan para sa dekalidad na produktong palay”.