PUERTO PRINCESA CITY – Iti-nurn over sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSDS) Ecan Zoning Management and Enforcement Division (EZMED) ang tatlong (3) ‘rescued’ juvenile Asian small-clawed otter o Dungon na may scientific name na Aonyx cinereus.
Ayon sa ulat ng lokal na ahensya, na-rescue ni G. Magencio R. Rivera, Jr., Barangay Tanod ng Bgy. San Pedro, ang mga buhay-ilang kung saan ibinigay naman ito sa pangangalaga ng PCSD.
Sa social media post ni Rivera, madaling araw umano niya natagpuan ang mga otter na tumatawid sa Socrates Road habang nagpapatrolya siya sa nasabing lugar.
Agad na makipag-ugnayan si Rivera sa tanggapan ng PCSD para sa tamang pangangalaga ng mga nabanggit na buhay-ilang.
Dagdag dito, ang mga juvenile otter ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) kung saan sila ay pansamantalang isasailalim sa obserbasyon ng beterinaryo na nakatakdang ibalik sa kanilang natural na tirahan sa mga susunod na araw.
Hinihikayat ng PCSDS ang mga mamamayan na nakatagpo o nakakuha ng anumang buhay ilang na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan o mangyaring tumawag sa hotline: PCSDS Wildlife Enforcement Unit (WEU) sa 09319642128 (TNT) at 09656620248 (TM), o sa PCSDS Front Desk hotline sa 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT). Maaari ring magpadala ng mensahe sa kanilang Facebook page .
Sa kabilang dako, nakatala ang Asian small-clawed otter bilang isang “Critically Endangered” species sa ilalim ng PCSD Resolution 23-967. (Photo/PCSD) | via Vivian Bautista