Photo courtesy | 96.7 FM Palawan Island Network

Nakapagtala ng tatlong magkakahiwalay na sunog ang Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa sa loob lamang ng isang araw nitong unang araw ng Undas, Biyernes, Nobyembre 1, taong kasalukuyan.

Tinatayang aabot sa mahigit dalawandaang libong piso (₱200K) ang kabuuang pinsalang dulot ng mga nabanggit na sunog na nangyari sa Brgy. Masipag ganap na 2:52 ng madaling araw na tumupok sa pitong (7) yunit ng isang palapag na bahay at limang (5) yunit ng dalawang palapag na bahay.

Naitala rin ang sunog sa dalawang (2) yunit ng isang palapag na gusali sa Campus Ville, Brgy. San Jose, pasado alas 5:00 ng hapon, at isang boarding house naman sa Baltan Street, Brgy San Miguel lagpas alas-7:00 ng gabi, ayon kay SFO1 Eugene Paul Manuel, Public Information Officer ng BFP Puerto Princesa.

Ayon naman sa ulat ng Palawan Island Network, kasalukuyan pa umanong hinihintay ng BFP ang Affidavit of Loss mula sa mga nasunugang residente upang maidagdag sa kabuuang halaga ng napinsalang ari-arian.

Samantala, malaki naman ang pasasalamat ni SFO1 Manuel sa mga residente ng Baltan Street na may kaalaman sa pagpatay ng sunog dahil bago pa man dumating ang bombero ay naapula na umano ng mga residente ang apoy dahil na rin sa kanilang pagtutulungan nang hindi na kumalat at makapaminsala pa ang nasabing sunog.