Photo courtesy | Ericson L. Delos Reyes
PUERTO PRINCESA CITY — Masuwerteng napanalunan ng 30-taong gulang na binatang residente ng Lungsod ng Puerto Princesa, Palawan, ang tumataginting na P36,257,127.40 jackpot prize sa 6/42 Lotto nitong nakalipas na Setyembre 7, 2023.
Sa Facebook post, ibinahagi ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang winning combination numbers na 03-31-15-19-10-27 ang nagiging susi ng lalaki para makuha ang milyones na jackpot prize na magiging ticket naman nilang mag-asawa sa magandang kinabukasan.
“Napakagandang biyaya nito para sa amin ng asawa ko. Sa katunayan po, nagsisimula [pa lang] kaming bumuo ng sarili naming pamilya. Maraming salamat po sa PCSO sa mga ganitong pagkakataon na ibinibigay ninyo sa lahat ng kababayan natin na umaasa na may suwerteng darating sa buhay,” pahayag ng lalaki.
Kuwento ng lalaki sa PCSO, matagal na siyang lotto player humigit-kumulang isang (1) dekada na. Aniya, plano niya ngayon na mag-invest sa real estate at magtayo ng sariling negosyo.
Tinanggap na ng lalaki ang kaniyang napanalunang premyo sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Lungsod ng Mandaluyong sa kapareho ring buwan.
Samantala, alinsunod sa Batas Republika Bilang 1169, ang mga nagwagi ay binibigyan ng isang taon mula sa petsa ng paglabas ng resulta upang makuha ang kanilang mga premyo; kung hindi, ang mga premyong ito ay ilalagak bilang pondo ng PCSO Charity Fund.
Bukod pa rito, inaabisuhan din ng ahensya ang publiko na ang mga premyong lampas sa sampunlibong piso (Php10,000.00) ay sasailalim sa 20 porsyento final tax bilang pagsunod sa mga probisyon ng TRAIN Law.
Maliban dito, ang mga nanalo ay kailangang mag-print ng kanilang mga pangalan at pirma sa likod ng kanilang mga napanalonang tiket at nararapat silang magpresenta ng dalawang (2) valid Government Issued Identifications (IDs). Maaari ring makuha ang mga premyo sa Main Office ng ahensya sa Lungsod ng Mandaluyong.