PUERTO PRINCESA CITY – Humigit- kumulang 300 piraso na tumitimbang ng nasa 3,000 kilograms na fossilized giant clam shell o taklobo ang nasamsam sa baybayin ng Dipulonggit Island, Barangay Concepcion, Busuanga, Palawan nitong Abril 4, 2024.
Ayon sa Coast Guard District Palawan (CGDPAL), nasamsam ang mga Taklobo dahil sa isinagawang Joint Law Enforcement Operation (JLEO) ng Coast Guard Intelligence Group Palawan (CGIG-PAL), Coast Guard Command Outpost Concepcion (CGCOP), Palawan Council for Sustainable Development Wildlife Enforcement Office (PCSD-WEO), PNP Maritime Group, at Barangay Officials ng Concepcion ng nasabing bayan.
Ang ikinasang operasyon ay isinagawa upang hadlangan ang iligal na pag-iipon o pag-stock, pangongolekta, at pagbebenta ng mga fossilized giant clam shell na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Ayon sa World Wildlife Fund Philippines, ang mga higanteng kabibe ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng marine ecosystem at seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagho-host ng marine algae, isang mapagkukunan ng pagkain para sa mga isda na karaniwang kinakain ng mga Pilipino.
Samantala, kasunod ng nasabing operasyon ay agad na nagsagawa ng agarang aksyon ang PCSD Coron upang siyasatin at agad na matukoy ang nasa likod ng ilegal na gawaing ito.
Ang mga nakumpiskang clam shell ay nasa kustodiya na ng Local Government Unit ng Concepcion.