Ni Clea Faye G. Cahayag
KINUMPIRMA ng Philippine Ports Authority (PPA) ng lungsod ng Puerto Princesa na nagsimula nang muling tumanggap ng mga cruise ships ang kanilang pamunuan.
Ayon kay Frasy De Guzman, Media Relations Officer ng PPA Administrative Division, mayroon ng naka-iskedyul na labinpitong (17) cruise ships sa taong 2024 at labing-apat (14) naman para sa taong 2025.
Aniya, patunay lamang ito na ang Puerto Princesa ay isa sa paboritong destinasyon ng mga turista.
“May iskedyul na kaagad hindi lang pang next year. We have scheduled 17 [cruise ships] for 2024, and 14 for 2025 at hindi lang ‘yan [mayroon] pang mga kasunod ‘yun,” pahayag nito.
Ngayong 2023 naman nasa 12 cruise ships pa ang inaasahang bibisita sa lungsod.
“Kaya siguro pabalik balik ang mga ito kasi they really enjoy the welcome festivities…it’s so lively, we dance along with them, the music is so exciting – it’s really nice na [rito] lang nila nararanasan sa ‘Pinoy [ang mainit na pagtanggap ng bisita],” dagdag pa nito.
Pahayag pa ni De Guzman na inaabot ng isa hanggang dalawang taon ang planning stage ng pagbisita ng mga barkong ito bago makakuha ng iskedyul.
Aniya, malaki ang maitutulong nito sa pagbangon ng turismo ng Puerto Princesa at makapagbibigay pa ng maraming trabaho sa mga mamamayan.
“It is an economic boom for Puerto Princesa City [and] Palawan. Napakagandang pangitain ito. We can get back from our losses and this means jobs for everybody,” pagbibigay-diin pa ni De Guzman.
Ayon naman kay Mitchie Meneses, Senior Operations Officer & Promotions Marketing Chief ng City Tourism Office, ang kanilang tanggapan ay nakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor at ahensya para magkaroon ng magandang karanasan at maayos na serbisyo na naipagkakaloob sa mga turista.
“It takes a lot of effort and then preparation sa pag-arrive ng isang cruise ship. Nag-uunahan sila [rito] and were really fortunate. Actually, sa MIMAROPA ito po ang pinakamarami na pinupuntahan – ang area natin sa Puerto Princesa,” ayon kay Meneses.