PHOTO || CDRRMO PPSCITY / DEPUTY MAYOR ROY VENTURA

Ni Clea Faye G. Cahayag

DAHIL sa naranasang malakas na pag-ulan simula pa kaninang madaling araw dahil sa bagyong Egay ilang pamilya sa lungsod ng Puerto Princesa ang inilikas.

Ayon kay City Information Officer Richard Ligad batay sa inisyal na ulat ngayong umaga ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO, nasa 76 indibidwal o katumbas ng 32 pamilya mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ang dinala sa mga evacuation centers; 9 na pamilya mula sa barangay Tagabinet, 1 pamilya sa brgy. Lucbuan, 12 pamilya sa brgy. Bacungan, 9 pamilya sa brgy. Babuyan, 2 pamilya sa brgy. Maoyon, 2 pamilya sa brgy. Sta.Lourdes, 7 pamilya sa brgy. Tanabag at 18 indibidwal sa brgy. Salvacion.

“Karamihan kasi buhat ng pag-ulan kaninang madaling araw hanggang kaninang lumiwanag ay tumaas yung mga tubig sa areas nila partikular yung mga malalapit sa ilog. Ngayon on going pa rin [ang monitoring], hindi pa ito totally 100% itong pumapasok na report, initial palang po ito,” ani Ligad.

Umapaw rin ang tubig sa Irawan Bridge, Maruyugon Bridge, Concepcion Bridge, San Rafael Bridge, Tagburos Bridge at Maoyon Bridge.

Hindi naman madaanan ang kalsada sa barangay Salvacion, Purok Pag-asa.

“Ang ibang mga tulay ay nag-overflow na pero passable pa naman po wala pa namang sinasabing hindi na madaanan. Ibigsabihin nagspill-out lang konti ang tubig pero passable pa sa mga sasakyan yung mga motor lang medyo nahirapan na,” dagdag pa ni Ligad.

Pansamantala rin na suspendido ang operasyon sa PPC Port, maging ang paglilibot at paglalayag sa Honda Bay Wharf at Puerto Princesa Underground River Wharf simula pa kahapon, Hulyo 24.

Kasama naman sa mga ginawang paghahanda ng lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng bagyo ang pag-activate at patuloy na koordinasyon sa BDRRMC’s at CDRRMC member agencies Emergency Operation Center para i-monitor ang sitwasyon sa buong lungsod ng Puerto Princesa gayundin ang pagmonitor sa water level ng mga pangunahing ilog at mga flood/landslide- prone areas.

Mayroon din mga naka-standby na response vehicles at equipment sa CDRRMC- EOC.

Samantala, wala naman naitalang nawawala o nasawi.