Naglaan ng 330 milyong pisong pondo para sa pagpapakabit ng tatlumpu’t tatlong solar-powered pumps sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Palawan ang pamunuan ng National Irrigation Administration o NIA.
Maliban sa pagtatayo ng mga impounding dam, ang mga solar pumps ang nakikitang long term solution ng ahensya matapos maranasan ang itinuturing na ‘strong and mature’ El Niño sa bansa ngayong taon simula noong 1997.
Sa panayam kay NIA MIMAROPA Regional Director Engr. Ronilio M. Cervantes, kapag naisakatuparan ang proyekto, 180 ektaryang taniman ang mapapatubigan, dagdag pa rito ang pagpapanumbalik ng 100 ektaryang farmland sa lalawigan.
“Ang isa rin na solusyon yung magtayo tayo ng solar pump deep well kasi yung tubig nga bumaba ng six meters, twenty feet mga ganun kaya kailangan mayroon tayong mga solar pump deep well para yun ang solusyon din sa El Niño.
Aniya pa, malaki rin ang matitipid sa paggamit nito dahil hindi ito mangangailangan ng diesel o gasolina.
Aminado si Cervantes na hindi sasapat ang pondong ito para sa buong Palawan kaya uunahin nila lagyan ang lugar na lubos na nangangailangan.
Kaugnay nito, ang NIA ay magsasagawa ng geo-resistivity test para sa groundwater assessment.
“Nagkakaroon tayo ng geo-resistivity [test] para malaman kung saan ang tubig kasi sayang naman kung butas naman tayo ng butas tapos walang tubig kaya nagkakaroon tayo ng geo-resistivity test.
Nitong nagdaang summer, mayroong kabuuang 20,00 irrigable area sa lalawigan kung saan 250 ektarya rito ang nasira, bagaman wala pang isang porsiyento ay mayroong inilatag na interventions ang ahensya para sa mga magsasaka tulad ng pagbibigay ng mga water pumps at fuel.
Sinimento at nilinis din ang mga kanal na dinadaanan ng tubig para sa mabilis na pagbibigay serbisyo nito.
Para sa taong 2025, ang NIA ay nakapagsumite na rin ng budget proposal na nagkakahalaga ng 3.6 bilyong piso.